Kaugnay ng sabayang pagbubukas ng school year 2015-2016 para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, umikot sa mga paaralan ng Sto. Tomas, Batangas si Mayor Edna Sanchez upang mamigay ng mga gamit pang-eskwela sa mga mag-aaral sa Grade 1 at Kindergarten mula June 1 hanggang 4, 2015.

Katulong ni Mayor Sanchez ang General Services Office, Public Information and Promotion Division at Department of Education Sto. Tomas sa paglibot sa iba’t-ibang paaralan hindi lamang para mamigay ng gamit sa mga bata, kung hindi para rin inspeksyunin ang mga gusaling pampaaralan. Tinitignan ni Mayor Sanchez kung ang mga gusali ay maayos pa o kinakailangan ng ayuda mula sa Pamahalaang Bayan gaya ng pagkukumpuni, pagpipintura at iba pang serbisyo. Mainit ang pagtanggap ng North at South district sa pagiikot ni Mayor Sanchez.

Laman ng gamit eskwela na ibinibigay ni Mayor ngayong taon ay school bag, notebook, papel, lapis, ruler at iba pang gamit na pakikinabangan ng mga bata. Kasama rin ang pagbibigay ng tshirt na maaaring gamitin ng mga bata bilang pang Physical Education uniform nila kapag Biyernes.

Pinaalalahanan ni Mayor Sanchez ang mga bata na mag-aral ng mabuti at irespeto ang mga magulang, kaklase at mga guro. Sinabi rin niya na alagaan ng mga bata ang mga gamit na ipinagkaloob sa kanila. Hinikayat rin ni Mayor ang mga magulang na sumaksi sa pagbibigay ng gamit eskwela na makipagtulungan sa Dep Ed at Pamahalaang Bayan upang itaguyod ang edukasyon ng mga kabataang Tomasino. Hindi umano dapat iatas lamang sa gobyerno ang responsibilidad na paunlarin ang pagkatuto ng mga bata. May responsibilidad din ang mga magulang na tiyaking nagagawa ng mga bata ang kanilang mga asignatura at babasahin kapag nasa bahay upang mabilis na matuto sa paaralan.

Ayon naman sa mga guro ng mga bata, malaking tulong ang gamit eskwela upang maibsan ang gastos ng mga magulang ng Grade 1 at Kindergarten sa pagbili ng gamit. May ilang guro naman ang nais humingi ng gamit eskwela para sa ibang grade level at nangako si Mayor na titignan ang kahilingang ito kung kakayanin pa ng pondo.