Pinangunahan ng Office of the Municipal Agriculturist ang kauna-unahang 4H Municipal Youth Camp na ginanap sa Beroming Resort, Brgy San Luis, Sto. Tomas, Batangas mula Mayo 20-22, 2015.

Ang 4H Club ay samahan na naglalayong pagbutihin ang mga aspetong sosyal, pisikal at pamumuno ng mga kabataan. Ang youth camp ay inorganisa sa ilalim ng pamamahala ni Ms. Ofelia Malabanan, Municipal Agriculturist. Ito ay suportado ng Office of the Mayor sa pamamagitan ni Mayor Edna Sanchez. Malaki rin ang naging suporta ng Office of the Vice-Mayor sa pamamagitan ni Vice Mayor Ferdinand Ramos at Sangguniang Bayan members Hon. Leovino Villegas (SB Committee on Agriculture), Hon. Renante Arcillas (SB Committee on Youth Development) at Hon. Boy Christopher Ramos. Dumalo rin sa opening ceremonies ang Brgy Chairman ng San Luis na si Hon. Jaime Herrera at 4-H Provincial Coordinator Ms Olive Mirasol.

Ang unang araw ng camp ay kinatampukan ng banal na misa, seminar sa basic first aid at risk reduction, dress making contest at Mr. and Ms 4-H OPM Vocal Solo. Lumabas ang pagkamalikhain ng mga kabataang 4-H Club member sa mga patimpalak gaya ng poster and logo making contest. Nagkaroon din ng quiz bee na nilahukan ng mga kabataan.

Sa ikalawang gabi, pinangunahan ng mga kabataan ang Candle Lighting Ceremony na nagbuklod sa kanila at mga pinuno ng bayan ng Sto Tomas upang ipanata ang matibay na suporta sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga kabataan. Dumalo rito sina Mayor Sanchez, Hon. Arcillas, Hon. Ramos, ABC President Wilfredo Maliksi at Municipal Administrator Atty Arth Jhun Marasigan. Nagsama-sama sila sa pananalangin, pag-awit at simbolikong pagpapasa ng ilaw ng mga kandila. Ang ilaw ng kandila ay sumisimbolo sa pagpapasa ng suporta hindi lamang sa 4-H Club kung hindi maging sa lahat ng kabataan sa Sto Tomas.

Inaasahan na ang aktibong ugnayan ng 4-H Club member sa bayan ng Sto. Tomas. Ayon sa Office of the Municipal Agriculturist, ito ay samahan ng mga kabataan hindi lamang sa Sto Tomas. Ito ay aktibong samahan ng mga kabataan sa iba pang panig ng mundo.