Puspusan ang naging paghahanda ng Pamahalaang Bayan ng Sto. Tomas kaugnay ng nakaraang Semana Santa 2015. Sa isang pagpupulong na ipinatawag ni Atty Arth Jhun Marasigan (Municipal Administrator), dumalo ang iba’t-ibang opisina ng LGU at people’s at non-government organization noong Marso 27, 2015.

Kasama sa mga opisina ng LGU na dumalo sa pulong ang Municipal Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), General Services Office (GSO) at Traffic Management Section (TMS). Dumalo rin ang mga kawani ng Philippine National Police (PNP), National Power Corporation, University of the Philippines Los Banos, Highway Patrol Group IV-A at Alpha Phi Omega Sto. Tomas.

Pinagtuunan ng pansin ang mga preparasyon para sa mga nagdatingang mga mananampalataya sa Sto Tomas mula Marso 29 hanggang Abril 5, 2015. Ilan sa mga dinadayong mga simbahan ng Katoliko sa bayan ang Padre Pio Shrine sa San Pedro at St Thomas de Aquinas Parish sa Poblacion. Nagtayo ng mga motorist assistance centers sa Balay (San Miguel), San Pedro, San Felix, FPIP at LISP. Bumigat ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Maharlika Highway lalo na noong kasagsagan ng Bisita Iglesya noong Huwebes at Biyernes Santo. Sumabay rin sa Araw ng Pagkabuhay ang Kapistahan ng San Vicente kaya bahagyang sumikip din ang daloy ng trapiko noong Linggo ng Pagkabuhay.

Sa Padre Pio Shrine, naitala ng MDRRMO ang pagdating ng higit kumulang sa 788, 296 katao mula Abril 2 hanggang Abril 3 o Huwebes Santo at Biyernes Santo. Naitala ito sa pamamagitan ng pag-estima sa mga sasakyan na dumaan at mga nag-walk in sa Padre Pio Shrine. Hindi maikakaila na dinagsa ang mga simbahan ngayon dahil na rin sa pananariwa ng pananampalataya dala ng pagbisita ni Papa Francisco.

Mahigpit na binabantayan ang bilang ng mga mananampalataya na bumibisita sa mga simbahan upang itala ang galaw ng turismo sa lalawigan ng Batangas.