Nitong Mayo 2015, ginanap muli ang Executive Committee Meeting para sa Ala Eh Festival 2015 na gaganapin sa bayan ng Sto. Tomas ngayong Disyembre. Sa pagpupulong na ito, napagkasunduan ang mga detalye kaugnay ng opisyal na logo, town slogan at venue ng mga pagdiriwang.

Dumalo sa pagpupulong sina Vice Governor Mark Leviste, Pedrito Dijan (Over-all Chairman), Ms Emelie Katigbak (Provincial Tourism and Community Affairs Office) at iba pang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas. Hindi rin naman nagpahuli ang suporta ng Sto Tomas LGU sa pangunguna ng mga department head at section head. Wala man sa pulong si Mayor Edna Sanchez ay tiniyak ng mga department head at section head na makakarating kay Mayor Sanchez ang mga detalye ng nasabing pulong.

Sa presentasyon ng Sto Tomas LGU ay ipinakita ang mga suhestiyon kaugnay ng opisyal na logo ng Ala Eh Festival 2015 ngayong taon. Ayon kay Dijan, ang logo ng Ala Eh festival ay maaari lamang na dagdagan ng mga detalye at hanggat maaari ay huwag nang bawasan ng detalye. Ito ay bilang paggalang sa ibang bayan na naunang mag-host ng Ala Eh gaya ng Tanauan, Taal, Calaca at Batangas City. Dahil dito ay nangako ang Sto Tomas LGU na dadagdagan na lamang ng element ng Sto Tomas ang logo. Pinag-iisipan na rin ang tutugmang town slogan para gagamitin sa mga opisyal na liham ng Ala Eh festival.

Sa usapin ng venue o lugar na pagdarausan ng Ala Eh Festival, ito ay napagkasunduan na gagawn sa bakanteng lote na katabi ng isang fast food chain sa Poblacion. Dito umano gagawin ang karamihan sa mga pagtatanghal gaya ng Mutya ng Batangas, VSR at iba pa.

Kasama sa mga gawain na pinag-iisipang idagdag sa festival ay ang pagdaraos ng Downhill Competition na pangungunahan ni Kapitan Allan Carandang ng Brgy San Bartolome, Sto. Tomas, Batangas. Ito ay para mas makilala pa ang Sto Tomas bilang potensyal na tourist spot lalo na sa mga tumatangkilik sa extreme sports gaya ng downhill biking.

Sa pagtatapos ng pulong, hinikayat naman ni Dijan ang mga Committee Chairmen at Co-Chairmen na magpulong nang madalas upang matapos na ang mga preparasyon at makausad sa promosyon ng Ala Eh Festival. Ang susunod na pulong ng komite ay ngayong Hunyo 2015.