Sa ginanap na buwanang pulong ng Batangas Tourism Officers Association (BATOA) sa OPG Conference Room, Capitol Building, Batangas City nanawagan ang Regional Tourism Office IV-A sa mga LGU na magsumite lagi ng mga datos kaugnay ng tourist arrival sa kani-kanilang nasasakupan. Isa ang Sto. Tomas LGU sa mga dumalo sa pulong.

Pinangunahan ni Ms Emelie Katigbak ng Provincial Tourism and Community Affairs Officer ang nasabing pulong upang dinggin ang mga hinaing ng mga Tourism Officer ng lalawigan kaugnay ng turismo. Sa isang lecture na ginawa ni Ms Chit Mendoza ng DOT CALABARZON, pinaalalahanan niya ang mga Tourism Officer na sa pinakahuling pagkakalap ng datos, ang Laguna province ang nakapagtala ng pinakamataas na tourist arrivals noong 2014. Pumapangalawa ang Batangas sa ranking.

Sa datos na ito ay may kaunting hindi pag-sang ayon ang Batangas Tourism Office dahil na rin sa posibilidad na hindi lahat ng datos ay naisusumite ng mga LGU sa Provincial Office. Dala ng kakulangan sa tauhan sa karamihan ng mga Tourism Office sa lalawigan, hindi natututukan ang pagkalap ng datos. Dahil dito, isang pormal na training workshop ang inorganisa ng BATOA sa darating na Mayo 2015 upang pagsama-samahin ang mga Tourism Officers at iba pang opisyal ng mga LGU sa lalawigan upang pag-usapan ang wastong pagkalap ng datos ng turismo.

Tinututukan ng DOT ang pagkalap sa wastong datos ng Tourist Arrivals at Excursionist o mga napadaan lamang na mga turista sa isang lugar. Ang tourist ayon kay Ms Mendoza ay iyong mga dumayo sa isang lugar at doon namalagi ng higit sa 24 oras o di kaya’y natulog sa parehong lugar o destinasyon. Dahil dito pakikipagtulungan ng mga hotels, restaurant, parks, monuments, religious institutions at iba pang tourist attractions sa Batangas ang hihingin ng BATOA upang maitala ang updated na tally ng turismo sa lalawigan. Ito ay ginawa ilang araw bago ang pagsisimula ng Semana Santa kung saan maraming dayo ang inaasahan na pupunta sa mga simbahan sa Batangas. Isa na sa mga ito ang Padre Pio Shrine sa Sto. Tomas, Batangas na dinadayo hindi lamang ng mga local na turista maging mga dayuhan o ibang lahi.

Inaasahan na ang masusing pagiikot ng Tourism Officers sa mga tourist attractions ngayong Semana Santa upang tignan ang mga sitwasyon sa mga simbahan. Ang workshop ng mga Tourism Officers sa Mayo ay gagawin sa isang hotel sa Sto. Tomas, Batangas.